Sedative/Pampakalma.
1AM.
Pinilit kong labanan ang takot sa mga multo at nagpasyang pumunta sa kusina para mag-init ng tubig – kailangan ko ng kape. Habang paakyat, (dahil sa boarding house namin ay nasa pinakataas na palapag ang common room – kusina at salas) ay nagdadasal ako na sana ay wala doon ang itim na asong madalas na nakatambay, at sana ay wala akong makasalubong na estrangherong kelan lang ay nakapasok sa boarding house at nanilip pa sa kuwarto. Hiniling ko rin na sana ay may gaas pa sa gasul at sana ay hindi sira ang kalan para hindi ko na kailangan pang magposporo. Salamat sa Diyos at tinupad niya ang mga kahilingan ko.
Habang pinaiinit ang tubig ay binuksan ko ang bintana at dumungaw sa kalangitan. Ang linaw ng langit – otomatiko kong naalala ang mga gabi ko sa AstroSoc kung sa’n nagagawa pa naming maglatag ng kutson dun sa labas ng observatory( dahil mababa pa ang mga damo) habang nakatingala sa langit – Hay, sarap. Bigla akong inatake ng nostalgia, parang sa isang biglaang ihip ng hangin ay naramdaman ko ulit yung mismong pakiramdam habang nakahiga sa kutson, lamig na lamig kahit naka-jacket, nakatingala sa mga bituin habang nagdadasal na sana matapos na lahat ng sakit sa pusong nararamdaman ko nung mga panahong ‘yon. Binibigyan kita ng permiso para magsabi ng “Yuck! This person is so baduy, so emow” sa puntong ‘to.
Limang taon na pala, parang kelan lang. Parehong pakiramdam pa rin ang dala sa’kin ng mga bituin, nakikilala ko pa rin ang ilang constellations pero hindi ko na alam ang mga pangalan nila – na sa tingin ko naman ay hindi na importante sa’kin sa ngayon. Sapat na sa’king may hindi ako maipaliwanag na magandang pakiramdam kapag tumitingala ako sa ganito kagandang langit. Nawala ang lahat ng inis ko dulot ng hindi makatarungang seating arrangement base sa class standing na pauso ng isa naming instructor. Kung naalala ko lang sana parate na ito lang ang kailangan ko para kumalma, e di sana dinadalas-dalasan ko ang pag-akyat dito sa taas. Kaso, hindi.
Itutuloy ko pa sana ang pagsesenti kaso nag-ingay na bigla yung takore. Tinimpla ko na ang kape at bumalik sa kwarto at isinulat ‘to bago bumalik sa tunay na buhay: may exam pa ko sa chemical reaction engineering pitong oras mula ngayon.
*** Isinulat ko to habang nakikinig sa kantang Sa Araw ng Pasko (by All Stars – iba ibang artista, hehe),at natatawa kapag naaalala yung itsura ng bangs ni jolina at ni roselle nava sa music video nito. Hahaha.
Merry Christmas pa rin! Nine days to go! :D
No comments:
Post a Comment